Quezon Classified Ads

Quezon Classified Ads
http://www.qznclassifieds.com

Bidvertiser

Thursday, September 22, 2016

"Tipikal" O Tunay Na Pilipino - Saang Panig Ka Kabilang?

Tipikal o Tunay na Pilipino - Saang panig ka kabilang?

DISCLAIMER: Ang nakasaad dito ay pawang opinyon lamang ng may-akda sa abot ng kanyang kaalaman at kakayahan. Maraming Salamat po!


Image Courtesy: Devian Art

Kamakailan lamang nang ipinagdiwang ng ating bansa ang paggunita sa ating kasarinlan. Sa araw na ito, umulan ng mga pahayag sa social media, mga kababayan natin na nagsasabing pinagmamalaki nila ang kanilang pagiging Pilipino. Maging ang mga tagapaghatid ng balita sa telebisyon ay nag-showcase ng mga pambansang pananamit na likas na gawang Pinoy. Nakatutuwang isipin na, kahit sa araw na ito man lamang, ipinagmamalaki ng ating mga kababayan ang kanilang pagka-mamamayan.

PROUD TO BE FILIPINO, sinasabi natin. Ngunit ang diwa, isinasabuhay ba natin?

Siguro, bilang paglilinaw, nais ko din po sanang bigyan ng kahulugan o buod kung ano nga ba ang ibig sabihin ng pagiging isang Pilipino.

Paumanhin po kung ang mga mababanggit ay may maselan na tema, ngunit ang mga ito ay hango sa obserbasyon ng inyong lingkod. Aminin din naman po natin na ang mga nababanggit ay tunay na nangyayari sa ating lipunan at hindi kathang-isip lamang, at kung minsan pa nga ay nagagawa natin ang mga ito sa ating mga sariling pamamaraan. Kung may tinatamaan po sa mga halimbawang nabanggit, ibig sabihin lamang po ay may katotohanan ang mga nais iparating hindi po ba?

Ang ilan din pong mga mababanggit ay tila naging halimbawa na rin sa mga naunang akda ng inyong lingkod, ngunit muling ginamit na halimbawa sa sanaysay na ito bilang pangsuporta at karagdagang detalye sa mensaheng nais iparating.

Sa mga panahong isinusulat ng inyong lingkod ang akdang ito, katatapos lamang magdiwang ng sambayanan ng paggunita sa kasarinlan. Gayundin, kasalukuyang nasa ibang bayan ang ating mga atleta upang makipagtagisan ng lakas at talento sa iba’t-ibang mga larangan laban sa iba’t-ibang mga atletang pambato ng ibang bansa.

Tulad ng mga paligsahan, natural lamang na may nabibigo at nagwawagi. Malungkot sa tuwing nabibigo ang ating mga atleta at masaya kung nagtatagumpay. Ang hindi ko lamang po mawari kung minsan ay ang pag-uugali ng ating mga kababayan sa tuwing may mga ganitong pagkakataon na magbigay ng karangalan sa at ipakilala ang ating bansa. Hindi po ba, sa social media na lamang, samu’t-saring mga komento mula sa ating mga kababayan ang ating nababasa. Sa tuwing nagtatagumpay ba ang ating mga manlalaro at mga atleta, tayo ba ay nagpapahayag ng pasasalamat at pagpupugay sa ating mga atleta para sa kanilang tagumpay at pagbibigay ng karangalan sa ating bansa, o sa halip na mga papuri ay pagbatikos ang ating ipinararating na sinasabing naka-tsamba lang o kaya hindi ganoon kahusay ang nakatunggali kaya nanalo? Kung nabibigo naman ang ating mga atleta, tayo ba ay nagpaparating ng simpatiya at pagpapalakas ng kanilang mga kalooban, o nangungutya pa tayo at sinasabing “buti nga sa iyo..”, “ang yabang mo kasi..”, “weak..”, “mahina..”, “bulok..” at lahat na.

Pahintulutan nyo po ang inyong lingkod na gawing halimbawa ang nakaraang FIBA WORLD CUP for BASKETBALL. Isa itong torneo o patimpalak na inabangan ng sambayanang Pilipino, dahil bukod sa kahiligan sa larong basketball, ay muli pagkalipas ng maraming taon makikilahok ang ating bansa sa patorneo ng naturang larangan. Alam naman po natin ang kinahinatnan nito at hindi ganoong pinalad ang ating koponan. Muling dumagsa ang iba’t-ibang komento sa social media, may mga nagpahayag ng suporta at pagbati sa ating koponan para sa kanilang ipinakita sa torneo, at siyempre naroon din ang mga pagbatikos. May mga sinisisi ang coach ng naturang koponan, o hindi kaya ang kawalan ng tamang diskarte sa huling bahagi ng bawat laro. Ang iisang panalo lamang sa paunang bahagi ng torneo. Tunay naman na may iba’t-ibang factors din kung bakit tayo nabigo, at may punto ang mga nagkomento kung kaya’t hindi nakamit ang inaasam na tagumpay, ngunit sana naman po tingnan din natin ang mabubuting bagay na naidulot nito para sa ating bansa.

Hindi po isang eksperto sa basketball ang inyong lingkod, naglalaro lamang ng isport na ito at masugid na tagahanga lamang. Subalit sa bawat laro ng ating koponan, hindi po sila tinambakan ng malaki ng mga nakatunggali nila, may mga pagkakataon pa nga po na dikit ang laban o di kaya lumamang din sa laro na sa palagay ko ay nagdulot din ng kaba sa mga nakatunggali. Yun nga lamang, talagang hindi pinalad at hindi naiselyado ng ating koponan ang panalo, na siyang ikinalulungkot at ikinadidismaya ng ating mga kababayan. Tulad ng nabanggit, ito po ang pagsabak muli ng ating bansa sa larangan ng basketball matapos ang mahabang panahon. Hindi po ba dapat na nating ikatuwa na nakalahok ang ating bansa sa prestihiyosong torneo na ito? Hindi ba’t dapat na rin nating ikatuwa na nabigyan natin ng maganda at kapana-panabik na laban ang ating mga nakatunggali, “we’ll not go down without a fight” ika nga? At higit sa lahat, ang respeto na nakuha natin mula sa mga dayuhang bansa dahil sa ipinakita ng ating mga atleta? Maaaring matalo ka sa isang laban o kumpetisyon, ngunit ang makuha mo ang respeto ng iyong katunggali ay isa na ring panalo para sa iyo.

Dahil nga sa mga kaganapang ito ay kanya-kanya ng mga opinyon at kuro-kuro sa social media. Dalawang panig ang nagtatagisan, mga sumusuporta o mga positibo, sa kabilang banda ay ang mga bumabatikos o mga negatibo. Palitan ng kanyang mga opinyon, na paglaon ay nauwi na sa bangayan. Sa naturang okasyon, o kahit sa ibang sitwasyon, sa tuwing nagpapalitan ng mga opinyon at kuro-kuro, may mga pagkakataon na gumagamit na ng mga ‘di kaaya-ayang salita na may murahan pang nagaganap. Nakalulungkot, Pilipino laban sa kapwa Pilipino. Kung sa simpleng mga pamamaraan at bagay-bagay, tulad ng palitan ng opinyon at kuro-kuro sa social media, ay nagkakaganito na tayo, ano ang pinagkaiba natin sa mga “lingkod bayan” nating kinaiinisan dahil wala nang ginawa kung hindi ang magbangayan sa isa’t-isa? (Wala naman siguro, hindi ba..?)

Aling Pilipino ba tayo sa halimbawang nabanggit? Ang Pilipino na sumusuporta at nirerespeto sa kanyang kapwa o yung Pilipino na utak talangka at hinihila ang ating kapwa paibaba?

Mainit na isyu sa kasalukuyan ang pag-aagawan ng iba’t-ibang mga bansa sa mga teritoryo o isla sa karagatan. Kanya-kanya ang pagpapaliwanag at pagpapakita ng ebidensya sa pagangkin ng mga naturang teritoryo. Kaugnay ng usapin na ito ang ilang panawagan partikular sa social media ang pagboycott sa mga produktong gawa o galing sa isang malaking bansa sa Asya (na isa sa nakakaalitan ng ating bansa hinggil sa mga pinag-aagawang teritoryo). Maganda ang adhikain, ngunit may kahirapan gawin, sa kadahilanang karamihan sa mga produkto sa merkado ay gawa sa bansang ito. Gayunpaman, naroroon ang pagnanais na tangkilikin ang mga produktong gawang sariling atin. Pero matanong ko lamang po mga kababayan, pag dating sa mga gadgets at ano pang mga bagay at kagamitan, ano po ba ang mas tinatangkilik natin? Iyon po bang mga branded at galing sa ibang bansa o mga produktong gawang sariling atin? Kung sa bagay, dahil sa ang mga branded ay kilala dahil sa tibay at kalidad, ngunit may mga produkto rin naman tayong dekalidad at matibay sa mas mababang presyo.

Kamakailan ay nakita ko sa social media ang isang larawan kung saan ipinapakita dito ang isang magarang sasakyan sa ibang bansa na may mga simbolismo o insignia ng ating watawat at pagka-Pilipino. Sa unang sulyap, maiisip mo na ito ay pagpapahayag ng pagiging proud sa pagiging isang Pilipino ng may-ari ng sasakyan. Ngunit laking gulat ng inyong lingkod, nang mabasa ang caption o komento nag-share ng naturang larawan sa social media na nagsasabing kapalaluan, kahambugan o kayabangan daw ito ng mga kababayan natin sa ibang bansa. Kung ano man ang intensyon o nais iparating sa pagkakabit ng sticker o insignia sa mamahaling sasakyan, tanging ang may-ari lamang ang nakakaalam.

Pero aminin na natin, na minsan kaya mga mamahalin ang binibili at tinatangkilik natin kaysa mga gawang sariling atin ay bilang pagpapakita na rin ng ating kakayahan at kapasidad. Ipinagmamayabang, ipinagpapahili at ipinagmamalaki natin sa ating kapwa na mamahalin ang ating mga kagamitan dahil big-time na tayo. Sabi nga ng ilang mga nakatatanda, matalo na sa yaman huwag lamang sa yabang. Saka sinasabi rin na Money is power ‘di ba? Kapag may pera ka, malaya kang bilhin ang nais mo. Sa kasamaang palad, ang pera ay ginagamit din upang makaimpluwensya ng kapwa at may mga tao din namang handang magpagamit kapag pera na ang pinaguusapan.

Sa larangan ng telebisyon, musika at entertainment-in-general, wala namang duda na may likas at angking talino at talento ang mga Pinoy pag dating sa ganitong bagay. Hindi nga ba’t sa isang prestihiyosong Talent Search sa ating kontinente ay mga kababayan natin ang namayagpag. Nakakataba ng puso na nakikilala ang talentong pinoy sa mga banyagang kompetisyon. Ngunit nakalulungkot din na may isang kalahok sa kompetisyon na ito, na minsan ay sumali din sa ating pambansang bersyon ng contest na ito na noon ay hindi nagtagumpay. Blessing in Disguise na nga lamang siguro na maituturing.

Minsang nanonood ako ng isang music video countdown sa telebisyon, nataguringan pa namang ang channel ay likas na pinoy, ang namamayagpag sa mga countdown na ito ay ang mga awitin ng mga banyaga, mapataga-Kanluran man o mga kalapit-bayan natin dito sa ating kontinente. Gayundin sa mga palabas sa telebisyon, napanghihimasukan na ng mga palabas mula sa ibang bansa. Siguro nga, dahil na rin sa ating Colonial Mentality. Yun nga lang, ang ating kultura tulad ng pananamit at porma ay tila naiimpluwensyahan na ng mga banyaga. Ang ilan sa atin, nagpapakulay ng buhok kahit likas namang itim ang kulay ng buhok. Hindi naman mali o masama ang paminsan-minsan ay makinig, manood o gumamit ng mga produktong banyaga. Ang masama lang siguro ay ang labis nating pagka-humaling sa mga ganitong bagay na tinatalikuran na natin at hindi na tinatangkilik ang likas at sariling atin. Kadalasan kasi, kapag imported daw, big-time, astig. Kapag gawang lokal, cheap.

Sa mga halimbawang nabanggit, isa ka bang Pilipinong tumatangkilik sa mga produktong sariling atin o yung Pilipinong may Colonial Mentality na gusto lagi ay mga state-side at imported ang mga kagamitan?

Ang mga Pilipino ay may angking katapangan. Hindi nga ba’t dahil na rin sa katapangang ito kung kaya’t ipinagdiwang natin ang paggunita sa ating kasarinlan ilang araw (sa mga panahong isinusulat ng inyong lingkod ang akdang ito) lamang ang nakakaraan? Ang angking katapangan nating mga Pinoy ang siya ring nagiging dahilan kung bakit nakikipagsapalaran at nagtatagumpay sa iba’t-ibang larangan, sa loob o labas man ng ating bansa.

Paano nga ba natin ipinapakita natin ang ating katapangan? Siguro, dinadaan sa porma ng katawan. Kapag malaki ang pangangatawan, sino nga ba naman ang magnanais na bumangga sa mga taong ganito? Sa malamang ay gulpi ang aabutin nila kapag nagkataon. Ang iba, marahil, dinadaan sa lakas ng boses o sigaw at kung minsan pa nga ay gumagamit ng dahas. Hindi ba’t napapanood natin sa balita ang paggamit ng mga maaanghang na salita at pagbabangayan ng ating mga namumuno sa pamahalaan? Sa mga kilos protesta at demonstrasyon ng mga raliyista, ilan na ang nauwi sa batuhan, basaan, pukpukan, hilahan, tulakan, sa madaling salita ay sakitan? Oo ang mga ninuno at mga bayani natin noon ay nangailangang gumamit ng dahas, sa pamamagitan ng digmaan, upang makamit natin ang kasarinlan. Subalit hindi ba’t ang ating pambansang bayani ay mismong tumutol sa pagdanak ng dugo?

Pagninilay lamang po, kung tayo ay magpapalakasan lamang ng boses, magsisigawan, o kaya puno ng ingay ang ating paligid sa tuwing nakikipagusap tayo sa ating kausap, nagkakaintindihan ba tayo? Ang mga taga-kanluran, kung may kaalitan sila, gumagamit sila ng mga tama o angkop na salita upang ipahayag ang kanilang nararamdaman. Kung galit ang isang kampo, sasabihin nila na “I am angry”. Kung mas galit ang kabilang grupo, sasabihin nila “I am mad”. Maaaring rumesbak ang kabilang panig at sabihin nang “I am furious”. Bawat salitang ginamit, may kanya-kanyang degree ng nararamdaman. Samantalang dito sa atin, kung may kaalitan tayo, sisigaw ng “galit ako” sa tono ng boses na nagpapahayag ng galit. Sasabihin ng kaalitan “Mas galit ako!” sa mas malakas na boses.

Magpapalakasan na lamang sila ng boses para ipakita kung sino ang mas galit sa dalawa. Sa ibang mga bansa, may mga pagkakataon na napakapayapa ng kanilang mga rally at mga protesta. Simpleng nakatayo lamang sa isang pwesto, hawak ang kanilang mga plakard, nakasulat ang mga mensahe na nais nilang iparating. Ang mga pulis at alagad ng batas, nakabantay lamang. Walang nasasaktan habang naipararating ang mensahe. Bakit hindi po natin o-adopt ang ganitong estilo o pamamaraan ng mga kilos protesta?

Matanong ko lamang po, tunay bang naipararating ang mensahe sa mga kinauukulan o nareresolba ang mga alitan sa tuwing may nahahampas ng batuta sa ulo, nasusugatan sa mga bagay-bagay na ating itinatapon sa tuwing may mga rally o kaya habang nagkakatulakan at nagkakahilahan?

Nais naman natin ng kapayapaan hindi ba? Bakit hindi natin gamitin ang katwiran upang ipahayag ang ating mga saloobin. Pagkatakot ang ating mapapala mula sa ating kapwa sa tuwing gagamit tayo ng dahas o sindak. Hindi dahil natatakot sila sa atin ay nangangahulugang nirerespeto nila tayo. Hindi ba’t mas maganda kung tayo ay nirerespeto ng ating kapwa at hindi kinatatakutan?

Ilan pa pong mga halimbawa na may kaugnayan sa mga nabanggit nang mga bagay-bagay: Masakit pero totoo, aminin na po natin, na tayo po ay may pagka-double-standards. Ano po ang ibig kong sabihin? Galit na galit tayo sa pangbu-bully sa atin ng isang bansa dahil sa agawan sa teritoryo. Pero sa kabilang banda, mahilig din naman tayong mam-bully ng ating kapwa. Magkaiba man ng pamamaraan o degree, pero ang pambu-bully pa rin naman ang pinaguusapan. Nasasaktan tayo kapag sa palagay natin ay nayuyurakan at nalalait ang ating pagka-Pilipino. Normal lang na makaramdam tayo ng galit dahil sa kalapastanganang ito at ipinagtatanggol lamang natin ang ating mga sarili. Nariyan ang mga komento ng “RACIST” o yung tipong kalapastanganan sa lahi ng isang tao. Ngunit paano ba tayo gumaganti? Fight fire with fire ika nga?

Naaalala ko noong FIBA WORLD CUP OF BASKETBALL, patas tayong tinalo ng bansang GREECE. Talo pero hindi naman tinambakan at generally ay magiting na lumaban ang ating koponan. Nakalulungkot na matapos ang laro ay kumalat sa social media ang panlalait ng ating mga kababayan sa isang manlalaro ng GREECE na may cleft palate o bingot. Ganyan ba ang imahe na nais nating ipakita sa mga dayuhan at sa mundo? Hindi ba’t kinikilala tayo ng mga dayuhan bilang isa sa pinakamagiliw na mga tao sa mundo? Sa simple nating mga pamamaraan ay sinisira natin ang malinis at maayos na pagtingin sa atin hindi lamang ng mga dayuhan kundi pati na rin ng ating kapwa.

Ang mga Pilipino ay mahilig makiuso, sa palagay ko nga po ay totoo ito. Kapag may isang trending, viral, kumakalat sa social media, hindi tayo papahuli dahil takot tayong mapagiwanan. Sa palagay natin, kung hindi tayo makikisabay ay hindi tayo IN at hindi kabilang sa lipunang ginagalawan.

Matanong ko lamang po, kung ang mga social networking sites tulad ng Facebook, Twitter, Instagram at iba pa, kasama pa ang mga applications tulad ng Dubsmash at iba pang mga “hit”, “in” at “trending” na mga bagay-bagay ay gawa ng Pilipino, tangkilikin kaya natin ang mga ito?

Pagninilay lamang din po: Oo sunod tayo sa uso, kung ano na ang ginagawa ng karamihan lalo pa’t ginagawa na rin ng mga sikat tulad ng mga artista, sige ride-on lang tayo, makikiuso. Samantalang kung isang kababayan natin ang gustong gumawa ng isang trending na bagay, lalo pa’t kung isa lamang naman siyang ordinaryong mamamayan, hindi ba’t kinukutya natin siya sabay sabing: “Ano na namang pautot yan? Pauso!”? (O ayan, nanghihila na naman tayo ng ating kapwa paibaba). Sa sobrang bilis ng pagtakbo at pagbabago ng ating daigdig, ang anumang sikat o uso ngayon, maaaring bukas makalawa, sa isang linggo o sa isang buwan ay maaaring hindi na. Hindi ba’t iyan ang naging kapalaran ng ilang mga uso at sikat noon na “anyare” na ngayon? Sa ganitong diwa, hindi ba’t ang pagsunod sa uso at pagpapalit-palit ay nangangahulugan lamang ng kahinaan at karupukan ng ating katapatan o loyalty?

Sa diwa ng pamagat ng sulating ito, kung ang magiging pamantayan ay ang ating mga ninuno at ang kanilang mabubuting halimbawa, ang tunay na Pilipino ay yaong may pagmamahal sa sariling bayan, iginagalang ang ating kapwa - maging kababayan man o dayuhan at tumatangkilik sa sariling atin: Yung mga nagtataglay ng lahat o kahit ilan sa mga mabubuting halimbawa na nabanggit. Ninanais lamang po ng inyong lingkod na magkaroon ng comparing and contrasting ang ilang katangian natin. Wala pong perpekto na tao o nasyonalidad, lahat ay may kanya-kanyang kalakasan at kahinaan hindi po ba? “Typical” na lamang po ang napiling gamitin na terminolohiya dahil na rin po sa kasalukuyang panahon at sitwasyon, na sumasalamin sa ating lipunan. Muli po ang aking paalaala at paumanhin, na hindi ko naman po sinabing lahat ng mga Pilipino ay ganito o kapag sinabing PILIPINO ay kumakatawan na sa mga negatibong bagay na nabanggit. Tandaan lamang din po natin na laging may dalawang panig o mukha ang isang kwento, at hindi rin naman po natin maikakaila na ang mga elementong nabanggit ay nasa lipunan natin.

Kung may tinatamaan man, pasantabi na lamang po at patawad, kung sa inyong palagay ay biased o mapanghusga ang nasusulat. (Sadya namang mapanghusga ang ating lipunan hindi ba?) Ngunit tanggapin din po siguro natin ang hamon ng sulatin na ito na mas mangibabaw ang diwa ng pagiging tunay na Pilipino kaysa tipikal, dahil ang pagbabago ay magmumula rin naman po sa ating mga sarili.

Hanggang sa muli at maraming salamat po.

No comments:

Post a Comment