Quezon Classified Ads

Quezon Classified Ads
http://www.qznclassifieds.com

Bidvertiser

Tuesday, November 18, 2014

Throwback - My Childhood (late 80s to early 90s)

Disclaimers:

All respective names of television shows, video games and characters are properties of their respective owners / creators / networks. No copyright infringement intended.

Images used herein are properties of respective websites and blogs. No copyright infringement intended.

Ang mga nalathala ay pawang opinyon lamang ng author base sa kanyang karanasan.

Minsan isang hapon na nakatambay ako sa liwasan ng aming bayan, nakita ko ang isang grupo ng mga batang naglalaro. Dahil dito hindi ko tuloy maiwasan na magbalik-tanaw tunkol sa aking pagkabata.. noong isa pa ako sa mga mahilig maglaro ng mga nilalaro nila. Nakakatawang isipin na mahigit dalawang dekada na pala ang nakalipas mula ng mga panahong iyon, at masasabing tunay na napakabilis lumipas ng panahon.

Opinyon ko lamang, masasabi kong mas masaya at mas simple ang pamumuhay noon. Hindi pa ganoon kataas ang presyon ng mga bilihin. Piso lamang ang pamasahe sa jeep. Makabibili ng candy sa halagang Php 0.50 o kaya Php 0.25. Meron pa ngang Php 0.10 o sampung piraso kada piso, yung bubblegum na kulay pink. Nakakapagmerienda na ako (at busog pa) sa halagang 10 hanggang 20 pesos. Sa panahon ba natin ngayon.. available pa ba ang mga ganitong bagay? Palagay ko hindi na.

Dahil mala-throwback ang sulatin na ito.. Pahintulutan nyo naman sana ako na magbigay ng ilang paghahambing sa henerasyon ng mga bata at paraan ng pamumuhay noon at ngayon.

PART 1: Sa larangan ng paglalaro

Noon, wala pa kaming mga hi-tech na mga kagamitan katulad ng cellphone.. tablet, laptop at internet. Ang mga laruan namin, kadalasan mapupulot lamang kung saan-saan. Mga kahoy at patpat na gagawing espada o anumang sandata. Bato na basta lamang ibabato o pashu-shootin sa basurahan. Mga sirang gulong na pagugulungin lamang kung saan makarating. Eroplanong papel at bangkang papel na gawa mula sa mga lumang dyaryo. Iba-iba pa nga ang estilo ng paggawa ng eroplano.. may ordinaryo.. may mala-batman.. Patagalan ng paglutang o paglipad sa ere ang labanan. Naranasan ko pa nga gumawa ng saranggola mula sa dyaryo, tingting at gagawing pandikit ang kanin.. OO KANIN, hindi glue o kaya paste.. kaya napapagalitan kami noon kasi nagaaksaya daw ng bigas. Gumagawa din ng mga laruang umaandar gamit ang mga lata.



Naranasan mo ba maglaro ng tatsing (touching)? 'Di ba nagpapabili tayo sa palengke ng mga gomang pigura ng mga superhero, tatalian natin ng kawad, lalagyan natin ng nut o turnilyo para maging mas mabigat at maging mas asintado.. sisikaping patamaan ang pato ng kalaro.. Nakapaglaro ka din ba ng text (hindi yung sa cellphone ha?), kundi mga card na kadalasan ang imprenta ay mga cartoon na palabas noon, itatalang sa ere at paramihan ng "tao" o "ibon" (heads or tails), o kaya lalaruin na parang baraha.. may bangka.. tataya ka kung saan mas mataas ang numero pero ang pinakang pusta lang din naman ay ang mga text. Naranasan mo din ba maglaro ng POG? Mga bilog na karton may imprenta na sisikaping pataubin para maging iyo ito (noon ay pinakilala ng isang softdrink brand na di kalaunan ay talamak na rin na mabibili sa palengke). Di ba't naghukay ka din medyo mababaw lang para makapaglaro ka ng jolen?



Isa sa mga pinagmamalaki kong kultura ng mga bata noong kapanahunan ko ay ang mga palaro ng ating lahi, mga larong kinakailangang laruin ng dalawa o higit pa.. hindi ba't itinuturo nito sa ating mga murang isipan ang pakikihalubilo at sportsmanship (kahit medyo nagkakaasaran at nagkakapikunan.. hahahaha).

Nariyan ang luksong baka, luksong tinik, tumbang preso, habulan, taguan, patintero (na tinatawag na tubig kung minsan dahil daw tubig ginagamit na pangguhit ng palaruan), piko, luksong lubid, chinese garter(marami pa namang mga palaro ng lahi.. ngunit ang iba eh tila nalalaro lamang kung may mga pistahan tulad ng palo-sebo, agawang buko, basagang palayok at iba pa).



Naaalala mo pa ba ang mga kantang laro kagaya ng "sino'ng sasali sa aming laro? ang magkamali ay siyang pipingutin.." o kaya "Nanay, tatay, gusto kong tinapay, gusto kong kape..". Naranasan mo na bang maging pasyente ni Doktor Kwak-kwak? Nangalay din ba ang mga kasukasuan mo sa larong ito dahil sa pagkakapilipit?

Ilang sipa ang napasampit mo sa bubong ng iyong eskewlahan o kaya ng inyong bahay? Nanakit rin ba ang iyong katawan mula sa mga tama ng bola mula sa tatsing-bol (Touching ball daw, pero basta batuhang bola o dodge ball). Gaano ka katagal na naging preso sa chicho (ewan ko kung yun nga ba spelling nun, kilala bilang cops and robbers daw.. Basta, yung may dalawang base at maghahabulan, pag naabutan ka eh preso ka ng kabilang kampo at kelangan kang sagipin ng mga kakampi mo. Eh yung sipaang-bola (na football ang tawag natin noon) na technically eh parang baseball naman talaga ang paraan ng paglalaro, naranasan mo rin ba?

Nakapaglaro ka rin bang bahay-bahayan? Di ba gumagawa ka noon ng bahay-bahayan sa ilalim ng isang puno, gamit mo eh mga kahon, sako at kung anu-ano pa. At dahi naglalaro ka ng bahay-bahayan, naglalaro ka rin ng lutu-lutuan. Mamumulot ka ng lata bilang kaldero at kukuha ka ng mga tuyong dahon at kahoy at "magluluto" ng kung anu-ano.

Ilang beses kang nabangasan mula sa pagbibisikleta? Nage-exhibition ka din ba tulad ng No-Hands? Ilang pares ng roller blades o roller skates ang meron ka noon? (Medyo may kamahalan din ang mga ito noong panahong iyon). Skateboard, meron ka din ba? (Noon ang mga bagay na ito ay ginagamit lang din na pampalipas ng oras o simpleng mode-of-transportation, ngayon eh closely associated sa mga thrasher at mga extreme sports)


*Ang pagkakaiba ng roller blades sa roller skates? Sa hitsura pagkakaayos ng gulong at pwesto ng preno*


Pag may ginagawang bahay sa aming subdivision noon, asahan mo na paglalaruan namin ang tambak ng buhangin. Gumagawa ka rin ba ng patibong noon? Maghuhukay ka sa buhangin, lalagyan ng sako at tatabunan, tapos maghahanap ka ng kalarong mabibiktima at mabubuslot sa ginawa mong patibong. Nagkapaglaro ka rin ba ng wrestling o hamagan sa buhanginan at umuwing napakadumi? (At tiyak pingot, palo at mura ang aabutin mo mula sa nanay mo!)

Anuman ang laruin mo noon, at kahit saan, sa eskwelahan man o sa inyong pamayanan, matatapos ang laro sa isang asarang "Sino'ng Achog?! Sino'ng Achog?!" (Atsog, batsog, ewan ko kung ano ang tamang spelling.. basta asaran kung sino ang kulelat).

PART 2: Larangan ng Babasahin, Telebisyon at Musika (Entertainment in General)

Hindi lang naman tungkol sa paglalaro ang pagiging isang bata. May iba din naman kaming mga libangan. Nanonood din kami ng telebisyon, nagbabasa, gumuguhit sa kalsada (di namin alam na vandalism na pala yun), nakikinig sa radyo at iba pa.

Naranasan mo bang maging joker o story-teller noon? Naikwento mo ba ang mga joke o kwentong barbero ika nga tulad ng Palamigan ng Ihi, pahabaan ng ari, palakihan ng pwet asawa (Pasensya na kung medyo may kabastusan, pero mababaw lang talaga ang kaligayahan namin noon), yung mga kwento ng paligsahan na ang kadalasang mga karakter ay isang amerikano, isang hapon at isang pilipino, mauuna si amerikano, tapos si hapon at panghuli si pilipino (papatalo ba naman tayong mga pinoy?) na kadalasan ang katapusan ay ang pilipino ang nagiging object of the joke.. (Joke lang ha? walang pikunan..)

Nakapagbasa ka ba ng Pilipino Funny Komiks? Madalas kaming magpabili noon sa palengke tuwing linggo. Naaalala mo pa ba ang mga karakter na sina Tomas en Kulas (Pilipino bersyon ng Tom and Jerry), si Combatron, Istarkid, Eklok, Pitit (sila ang mga karakter na inabutan ko pero ayon sa pagsasaliksik ay napakarami pang iba dahil dekada 70 pa pala nagsimula ang komiks na ito).



Ilang issue ng Archie's Reader's Digest ang meron ka noon? Di ba nakikipagpalitan ka pa ng kopya sa mga kapwa bata mo noon? Parang pocket book na nirerentahan lang di ba? Naaalala mo pa ba ang mga seryeng Hardy Boys, Nancy Drew, Choose Your Own Adventure at iba pa (ang iba nga, ang ganitong mga libro ang ginagawang book report sa school noon).



Nakapanood ka ba ng sine na may ka-dobol? Kaya ang tagal manuod ng sine noon eh, kasi uunahin muna ang ka-double na palabas bago pa ang mismong feature presentation. Pero ok lang, kasi nasa 40 hanggang 50 pesos lang naman ang ticket nood, depende pa kung premiere o deluxe. Siyempre di kumpleto kung walang popcorn at softdrinks.. (Bakit nga ba popcorn ang pinakasikat na chibog noon sa loob ng sinehan?) Talamak pa nga dati ang mga komedya at aksyong pelikula.

Dahil hindi pa masyadong uso ang mga portable music players, mp3 players at music streaming sites, sa radyo lang kami nakakapakinig kami ng aming mga paboritong awitin. Meron ba kayong BoomBox noon? (Malaking radyo na may kasama pang cassette player) Hindi ba't tumatawag pa tayo sa mga himpilan ng radyo at "Mister DJ, can I make a request?". Matiyaga nating aabangan na patugtugin ng DJ ang ating hiniling na awitin. At pag pinatugtog na ang ating request, nakahanda na ang blangkong cassette tape at irerecord ang awitin (Uso na pala ang pamimirata noon?). At kung ginawa mo ito, malamang alam mo ang ugnayan ng isang lapis o bolpen sa isang cassette tape. Alam mo din kung paano muling mapagrerecordan ang isang cassette tape kahit wala na yung plastic sa ibabaw nito.




Sa panunuod naman ng telebisyon noon, dahil wala pang social media, wala pa pong mga hashtag sa ibabaw ng screen. Tanda nyo pa ba ang mga karakter na sina Cedie ang Munting Prinsipe, Sarah ang Munting Prinsesa, Von Trap Family Singers (Si Miss Maria ata yun, ang original na Maya Dela Rosa)? For the boys naman, andyan si TP at si BTX (yung robot na kabayo), Zenki, The Simpsons (Idol natin si Bart eh) Teenage Mutant Ninja Turtles, Si Masked Rider, Ultraman, Shaider, Magmaman, Koseidon, Machine Man (yung mga japanese na mga superhero na kadalasang mapapanuod sa Channel 13 nasa kasamaang palad ay bigla na lamang naudlot ang pagpapalabas at di ko na nalaman ang katapusan)?

Sino ba ang hindi makakakilala sa mga grupo ng limang superhero na may kanya-kanyang color coding at laging may higanteng robot tulad nina Power Rangers, Bioman, Masked Man at Fiveman?

*Aling kulay o sinong karakter yung naging pinakapaborito mo?*


Bagamat ang ilang mga anime tulad ng Ghost Fighter, Dragon Ball, Slam Dunk, Samurai X at iba pa ay napapanuod pa rin sa ngayon, tubong 1990s ang mga ito (siguro exempted ang dragon ball, na mukhang 1980s pa).

Nabanggit ko kanina na walang hashtag ang mga pinapanuod namin noon, paano namin "dinidiscuss" ang aming napanood? Simple lang, nire-re-enact namin ang isang buong episode kasama ang mga kalaro namin.

Bagamat ang mga sumusunod na palabas ay 1950s pa ang origin, pero bahagi sila ng kabataan ko..  Ang mga classic na cartoons tulad ng Tom and Jerry, Looney Tunes, Popeye, Mickey Mouse and friends.. Ilang mga iconic na cartoons noong dekada 90 tulad ng Rocko's Modern Life, Johnny Bravo, Dexter's Laboratory, X-Men the animated series.. Inaabangan natin sila tuwing hapon o kaya tuwing weekends.

Isang special mention tungkol sa mga pinapanuod kong palabas ang cartoon series na Hey Arnold! Bakit kamo? Kasi sa palabas na ito ipinapakita ang kultura at pamumuhay ng isang batang lumalaki noong dekada 90. Hindi ko pinopromote ang nabanggit na palabas ngunit subukan mo lamang panuorin kung hindi mo alam ang palabas na ito upang maintindihan mo ang ibig kong sabihin.



Pagdating naman sa mga computer games, meron na rin naman noong kabataan ko. Kaya lang hindi pa sina angry bird o flappy bird ang mga nilalaro namin noon. OK na sa amin noon si Super Mario. Andiyan nga rin pala si Pac Man (hindi si Pacquiao ha?) Sonic the hedgehog, Donkey Kong, Megaman / Rockman, Street Fighter at madami pang iba

Naalala mo pa ba ang cheat code na UP UP DOWN DOWN LEFT RIGHT LEFT RIGHT B A? (30 Lives para di mag-game over agad). Bagamat wala pa kaming Playstation o XBOX noon, ok na kami sa Nintendo (Family Computer), SuperNES at gameboy noon.



*Sa malamang eh mayroon ka din ng isa o parehong unit nito.O 'di kaya nakapaglaro ka na rin sa mga piso-piso arcade machines noon (mas kilala sa tawag na video karera); O kitam? bago pa magkaroon ng PISO NET eh may piso-piso video na*


Hindi man ganoon kaganda ang mga graphics at sound effects ng mga laro noon, eh ok lang naman sa amin yun at may napaglilibangan kami. Sa maniwala kayo at sa hindi, uso na ang LCD nuon, di pa lang colored at high tech.. natatandaan nyo ba yung Game N' Watch? Eto yung mga sinaunang portable o handheld games, iisa nga lang ang laro. Parang gameboy na parang hindi. Aminin mo, naadik ka rin sa paglalaro ng brick name, ilang oras ba ang binubuno mo kada araw noon sa paglalaro ng tetris?



*Madami ata ang lumabo ang mga mata dahil sa paglalaro ng mga ito*


Salamat na rin sa modernong teknolohiya kagaya ng internet at mga video sharing sites, may pag-asa pa tayong mapanuod at malaro muli ang mga naglipas na mga bagay na ito.

PART 3: Random Stuff Lang

Ilang bagay lamang na biglang sumagi sa isipan ko na bahagi ng aking kabataan. Ang ilan sa mga bagay na mababanggit ay maaaaring hindi nagmula sa dekada 90 kundi mas sinauna pa.

Meron ka bang naging at least isang pares ng rubber shoes na umiilaw ang sakong tuwing ikaw ay humahakbang o naglalakad?

Dahil merong sapatos na umiilaw, may mga damit din naman umiilaw.. May switch at circuit board na kadalasan ang umiilaw eh ang mga mata ng cartoon character sa damit.

Kung hindi man ikaw.. eh malamang ang kapatid mong nakatatanda o di kaya si Inday eh nakikipag-telebabad..

OK lang (siguro..) na magbrownout sa gabi noon dahil nagiging madilim ang paligid, tamang-tamang pagkakataon upang maglaro ng taguan o iba pang mga laro, nagbobonfire din habang nagkwekwentuhan ng mga katatakutan.. Bagamat magiging mainit ang pagtulog pag hindi pa rin nagkaroon ng kuryente.

Dahil wala pang text o e-mail, nakakatanggap o nagsusulat ka ng liham na may katagang "Kumusta na kayo? Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Huwag kayong mag-alaala, OK lang ako/kami dito.." Mga liham na matiyaga nating hinihintay mula sa kartero.

Wala man kaming high tech na mga kagamitan o social networking sites noon, OK lang, simple lang naman kami noon eh. Naranasan rin naman namin ang pinakamasaya (opinion lamang po ha?) na social network noon: Ang aming pamayanan, kasama ang aming "circle of friends"; ang aming mga kalaro at mga kababata.

PAGWAWAKAS:

Isang seryosong isipin lang: Sa larangan ng paglalaro sa lansangan, nakikita pa ba natin ang kulturang ito sa kasalukuyang henerasyon ng mga bata? Kung hindi man totally HINDI eh napakadalang..

Oo tunay na nagbago ang kultura natin sa paglipas ng panahon. Hindi naman natin mapipigilan ang pagbabago. Ika nga "The only thing constant in this world is change.." Pero hindi naman siguro masama kung muli ating sariwain, balikan, o kung posible eh buhaying muli ang ilan sa mga mabubuting pamamaraan at kultura ng ating pagkabata.

AUTHOR'S NOTE:

Kung may mga nakaligtaan man akong ilang mga bagay eh pasensya na po.. tulad  ng nabanggit ay naisulat ko lamang naman ito sa abot ng makakaya ng aking karanasan at alaala. Kung may mga maibabahagi pa po kayong mga bagay na may patungkol sa usapin ng aking sanaysay ay malaya po kayong magbahagi at ito po ay lubos na ikinagagalak ko. Maraming Salamat Po!