Quezon Classified Ads

Quezon Classified Ads
http://www.qznclassifieds.com

Bidvertiser

Thursday, September 22, 2016

Quezon’s Code of Citizenship and Ethics - Alam pa ba natin ito?

Quezon’s Code of Citizenship and Ethics - Alam pa ba natin ito?

DISCLAIMER: Ang nakasaad dito ay pawang opinyon lamang ng may-akda sa abot ng kanyang kaalaman at kakayahan. Maraming Salamat po!


https://thepinoysite.files.wordpress.com/2014/08/manuel-l-quezon-code-of-ethics.jpg

Sa mga panahong isinusulat ko ang sanaysay na ito, Kasalukuyang lumalaban ang ating mga pambatong manlarlaro at atleta sa isang pangrehiyon na patimpalak, at higit sa lahat, ilang araw na lamang ay muli nating ipagdiriwang at sasariwain ang ating kasarinlan.

“Proud to be Pinoy“, “Proud to be a Filipino“, yan ang mga madalas nating nakikita sa mga comments sa social media sa tuwing ang isa nating kababayan ay nagwawagi sa mga patimpalak at nagdadala ng karangalan sa ating bansa ika nga.

Napakasarap pakinggan ng mga salitang ito, na ani mo’y talagang nilalasap natin at sadyang ipinagmamalaki ang ating pagiging isang Pilipino. Pero matanong ko lamang po, mga kababayan, sa tuwing inaawit natin ang ating pambansang awit o hindi naman kaya’y sa tuwing sinasabi natin ang mga salitang “Proud to be Pinoy“, ito po ba ay nagmumula sa kaibuturan ating mga puso, o dahil sumasakay lamang tayo sa sitwasyon o emosyon? At gaano nga po ba katotoo ang ating pagmamalaki sa ating pagka-Pilipino?

Pasensya na po, opinyon lamang ng inyong lingkod dahil na rin sa pagmamasid sa paligid, pero tila nawawala na po sa bawat isa sa atin ang Patriotism o ang pagmamahal sa ating sariling bayan. Ang diwa ng pagiging isang tunay na Pilipino, bihira kung hindi man tuluyang hindi na nakikita sa atin ngayon ang diwa ng pagiging isang Pilipino. Sabihin ninyo na po sigurong mali ang aking naging assesment, pero siguro nga po ay hinahamon ng sanaysay na ito ang bawat isang makababasa nito na panatilihin kung hindi man ay buhaying muli ang diwa ng pagka-Pilipino sa ating mga sarili.

Dahil na nga rin po sa makabagong teknolohiya tulad ng internet at social media, marami nang impormasyon ang madaling makapasok sa ating isipan. Sa simpleng pagbrowse ng mga kung ano-ano sa social media, tila naiimpluwensyahan na nito ang ating mga kaisipan. Hindi naman maikakaila na ito ay maaaring para sa ikabubuti natin o ikapapahamak. Samahan pa rin siguro natin ng ilang mga taon na pagkakasakop sa atin ng mga dayuhan na nakaimpluwensya sa ating kultura.

Isa pa pong karagdagan na, muli po ay sa opinyon ng inyong lingkod, kung bakit nawawala ang pagka-Pilipino sa ating mga sarili ay ang hindi natin pagkakaunawa at pagkakaalam sa Quezon’s Code of Citizenship and Ethics. Para po sa kabatiran natin, kung ang relihiyon ay may Sampung Utos ng Diyos, sa naturang kodigo ay may labing-anim na prinsipyo na tumatalakay kung paano ang pagiging isang tunay na Pilipino.

Ang naturang kodigo po ay maaaring makita dito:
http://www.quezon.ph/familyinfo/quezons-code-of-citizenship-and-ethics/ para sa wikang Ingles

at dito naman po:
http://www.affordablecebu.com/load/philippine_government/kodigo_sa_pagkamamamayan_at_kagandahang_asal_ni_quezon/5-1-0-1826 para sa pagsasalin sa ating sariling wika.

Mapapansin po na ang naturang kodigo ay nilikha noon pang 1939. Maaaring sabihin ng iba na ito ay sala at wala na sa panahon. Ngunit, kung atin po sigurong susuriin at uunawain ang mga nakasaad dito, masasabi naman po siguro natin na ito ay isang panghabangbuhay na prinsipyong dapat nating isabuhay at pahalagahan.

Sa pagsasaliksik ng inyong lingkod, partikular sa ating kasalukuyang saligang batas, na may mga probisyon naman po o pagtalakay patungkol sa pagiging makabayan, pero siyempre, kung hindi po ako nagkakamali, ay ang mga kumukuha ng abogasiya ang siyang mga nakapagaaral tungkol sa ating saligang batas. Mapwera na lamang kung may Political Science sa kinukuhang kurso. Ang mga ginamit pang mga pananalita, lalo pa sa wikang ingles ay tila may kalaliman na kahit ang inyong lingkod ay nahirapan din na unawain at intindihin ang mga komplikadong mga pananalitang ito.

Gayundin po, sa mga pasimula ng mga artikulo at mga seksyon ay makikita ang mga katagang “The State shall..” na para po sa palagay ng inyong lingkod, ay bagamat pangunahing tungkulin ng ating pamahalaan, ay ganoon na nga po siguro ang nangyayari at ipinauubaya na lamang natin sa pamahalaan ang lahat at tila wala nang katungkulan o pakialam ang mga mamamayan. Kung ihahambing po natin sa Code of Citizenship and Ethics, sa pamamaraang kung paano ito ipinararating sa atin, ay tila ito ay tungkulin nating lahat.

Aaminin po ng inyong lingkod na sa Kolehiyo ko lamang po nalaman na mayroon po palang ganitong Quezon’s Code of Citizenship and Ethics.

Sa ganitong diwa po, hayaan nyo po sana akong magbigay ng aking pananaw ukol sa naturang kodigo.

Ang unang prinsipyo po ay may patungkol sa paniniwala sa Diyos. Mapa-Kristyano man po o mapa-Muslim, tayo naman po siguro ay naniniwala na may Diyos na lumikha sa lahat. Nakakabahala lamang po isipin na sa may ilan na rin po akong nababasang mga artikulo sa internet kung saan ay sinasabi na ayon sa pagsasaliksik ay may mga kabataan, nangangahulugan na tumutukoy sa kasalukuyang henerasyon, ang hindi naniniwala sa Diyos o may kaisipan na walang Diyos. Isama na rin po siguro natin ang mga taong gumagawa ng karumal-dumal na mga krimen na tuwing ating mababalitaan ay mapapaisip tayo at magsasabing: “May kinikilala pa kayang Diyos ang mga taong ito?”.

Ang ikalawang prinsipyo ay tumatalakay naman sa pagmamahal sa ating inang bayan. Paano nga ba natin ipinapakita ang ating pagmamahal para sa ating bayan? Nakasaad din sa talatang ito, ang ikalawang prinsipyo, ang pagtatanggol para sa ating inang bayan. Ang ating sandatahang lakas, mula sa mga sundalo at kapulisan, ito ang kanilang sinumpaang tungkulin. Hindi nga ba’t sa mga huling pananalita ng ating pambansang awit, nasasaad doon na: “Ang Mamatay ng Dahil Sa’Yo!” Sa kasalukuyang panahon, kung saan patuloy ang mainit na isyu ng reclamation sa mga pinagaagawang mga teritoryo sa ating karagatan, kung magkaroon man ng hindi maiiwasan at nakaambang digmaan, nakahanda kaya tayong magbuwis ng buhay para sa ating inang bayan?

Ang ikatlong prinsipyo naman po ay tumutukoy sa ating saligang batas at ang kasunuran dito. Sa social media po ay nagiging mainit na ring talakayan kung bakit ang ating bansa ay napapagiwanan na at hindi umuunlad. Nariyan ang iba’t-ibang mga kuro-kuro tulad ng mga dahil sa pagkakahalal sa mga hindi karapat-dapat na mga lingkod bayan, o hindi naman kaya ang maling sistema ng ating pamahalaan. Anuman po ang ating naiisip na dahilan ay marahil may punto naman po ang lahat. Siguro lang po, sa isang simpleng pamamaraan, magsimula sa atin, sa mga mamamayan - ang pagsunod sa batas.

Nakalulungkot lamang pong isipin na ang pinakasimpleng mga batas, batas na may kinalaman sa trapiko, sa pagtatapon ng mga basura, o kaya mga ordinansa sa ating mga lokalidad, ay hindi natin masunod. Gayundin, nakalulungkot isipin na may mga tao na kung umasta o kumilos akala mo ay higit pa sila sa batas. Dito po sa ikatlong prinsipyo ay nasaad na “The government is your government.” Nangangahulugan lamang po siguro hindi ba na bigyan din naman natin ng kaukulang paggalang ang mga awtoridad. Bukod sa mga simpleng sibilyan na kung umasta ay akala mo kung sino at higit pa sa batas, may mga pagkakataon pa din naman na ang mga tagapagpatupad pa sana ng batas at mga tagapagtanggol ng mga mamamayan ang siyang hindi pa nakasusunod dito. Kung may paggalang at respetuhan lang din sana tayo sa isa’t-isa, hindi ba’t wala tayong masasaktan at wala ding makakapanakit sa atin?

(bakit ang mga simpleng batas? Hirap na hirap tayong sundin. Kung ano pa ang bawal ay siya pang ating ginagawa? Nakalagay na nga: BAWAL TUMAWID DITO ay doon pa tayo mismong tumatawid at ani mo ay nakikipagpatintero sa mga humaharurot at rumaragasang mga sasakyan?)

Ang ikaapat ay tumutukoy sa pagbabayad ng buwis. Bilang mga manggagawa at mga ordinaryong mga mamamayan, tayo ay nagbabayad ng mga buwis. Mula sa mga kinakaltas sa ating sweldo hanggang sa pagbabayad sa mga produkto at serbisyo sa iba’t-ibang establisimyento, may binabayaran tayong buwis. Ang buwis, sa ating pagkakaalam, ang siyang nagiging kabuuang pondo ng ating pamahalaan para sa iba’t-ibang mga proyekto para sa kapakanan ng bayan - na sa kasamaang palad ay nakukurakot ng mga tiwaling opisyal sa pamahalaan. Sa tuwing nagkakaroon ng isyu tungkol sa pagnanakaw sa kaban ng bayan, nariyan ang sentimyento ng ating mga kababayan. Gayundin, sa mga usapin na kung saan sa ating palagay ay naaapakan ang ating mga karapatan, ipinahahayag natin ang ating mga hinaing. Sayang ang pagbabayad natin ng buwis ika nila. Nayuyurakan ang ating mga karapatang pantao sabi ng iba. Totoo naman at may punto rin sila. Pero ang pagbabayad ng buwis ay isa lamang sa ating mga pananagutan sa ating bayan, ang iba nga ay hindi makapagbayad ng tamang buwis o hindi kaya ay tinatakasan pa ito. Hindi ba’t karugtong ng ikaapat na prinsipyo ang ating pagkamamamayan ay hindi lamang tumutukoy sa ating mga karapatan kundi pati na rin sa ating mga tungkulin at pananagutan para sa ating bayan. Sabi nga ng isang Pangulo ng isang bansa: “Ask not what your country can do for you, ask what you can do for your country” (John F. Kennedy). Hindi ba’t pwede rin naman nating gamitin ang kahalintulad na pananaw at prinsipyo para sa ating inang bayan? Tulad nga po ng nabanggit kanina, simulan po natin ang ating mga pananagutan sa simpleng kasunuran sa ating mga batas. Harinawa po ang bawat isa sa atin ay magkaroon ng disiplina.

Ang ikalima ay tumutukoy sa kagustuhan ng nakararami, majority wins ika nga. Ang halalan marahil ang matibay na halimbawa ng prinsipyong ito. Pumipili tayo ng mga kandidato na siyang Naglilingkod sa ating bayan, ihinahalal natin sila at kung sino ang napupusuan ng karamihan ay siyang nailuluklok sa iba’t-ibang mga pwesto sa pamahalaan. Pinananawagan po ng kodigo na panatilihin ang kalinisan ng halalan, kaso, yun nga po ba ang nangyayari? Nananatili bang malinis ang ating mga halalan? Sa mga panahong nililikha ng inyong lingkod ang sanaysay na ito, kumulang sa isang taon na lamang po at muli ay halalan na. May karampatang panahon pa naman po siguro upang paghandaan natin ito at makapagdesisyon ng tama. Sa kabilang dako naman po, kung tungkol naman po sa ibang mga usapin sa lipunan, tama pa po bang sabihin na kung ano ang nais ng karamihan ay siya na nga bang tama at makakabuti para sa ating lahat? O nagiging katulad na rin ba tayo ng mga kinasusuklaman nating mga trapo na pangsariling interes lang ang inaasam?

Ang ikaanim ay patungkol sa ating pagmamahal at paggalang sa ating mga magulang. Nakalulungkot po na may mga anak na pabalang na sumasagot sa kanilang mga magulang. Hindi na rin gumagamit ng PO at OPO sa tuwing nakikipagusap sa kanila. Harinawa po ay bigyan natin sila ng kaukulang paggalang, hindi lamang po siguro sa ating mga magulang kundi pati na rin sa mga higit na nakatatanda sa atin. Panatilihin din po natin ang kultura ng pagmamano bilang tanda ng paggalang sa ating mga magulang at nakatatanda.

(atin po sanang panatilihin ang magandang kaugalian tulad ng pagmamano at ang paggamit ng po at opo)

Ang pangpito ay tumutukoy sa ating karangalan. Idinagdag pa rito ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa ating karangalan laban sa kayamanan o salapi. Tunay na may kahirapan ang ating buhay sa kasalukuyang panahon. Sa sobrang taas ng presyo ng mga pangunahin bilihin, karamihan sa ating mga kababayan ay tila nagiging problema na kung paano mabubuhay sa araw-araw. Kaya nga ang iba, kapit sa patalim. Nagiging laman ng balita ang ating mga kababayan na napipilitang magnakaw, ang kanilang dahilan, dala ng matinding pangangailangan. Gayunpaman, mali pa rin ang magnakaw, the end does not justify the means ika nga. Sa kabilang dako, nariyan ang mga trapo, na kung tutuusin ay sa tuwing ia-address sila pamamagitan ng kanilang titulo, ay ang salitang HONORABLE ang ating ginagamit. HONORABLE nga bang maituturing kung sila naman ay nagnanakaw sa kaban ng bayan at hindi ginagawa ang kanilang tungkuling maglingkod sa bayan at sa mga mamamayan nito?

Sa pangwalong prinsipyo ay tinatalakay ang katapatan. Marami sigurong tatamaan sa tinutukoy dito, mapa-nasa pamahalaan o kaya ay simpleng mamamayan. Gaano nga ba tayo nagiging tapat at totoo sa ating mga sarili at sa ating kapwa? Aminin na natin na kahit sa mga pinakasimpleng mga bagay ay gumagawa tayo ng mga pamamaraan upang makalamang sa ating kapwa. Sa darating na halalan, ang mga kumakandidato ay lumalaban pa ng patas upang maluklok sa pwesto sa isang pamamaraang malinis o gumagamit ba sila ng mga baluktot na mga pamamaraan? Nagiging patas at pantay rin ba tayo sa ating pakikisalamuha? Masakit pero totoo, aminin na natin, na sa mundo ng Social Media madalas agad tayo magreact sa mga nakikita nating mga posts kahit naman hindi pa natin lubusang nalalaman at nauunawaan ang kabuuang kwento. Sa madaling salita, nagiging mapanghusga tayo.

Ang ikasiyam na prinsipyo ay may patungkol sa ating paraan ng pamumuhay. Tunay na malaki ang kaibahan ng paraan ng pamumuhay noong 1939 kaysa 1987 hanggang sa mga panahong ito. Hindi naman maikakaila na napakasimple lamang ng pamumuhay noong unang panahon samantalang ngayon e medyo kumplikado na. Hindi naman masama ang maghangad ng kaginhawaan at kaunting kariwasaan sa buhay, basta ang pagunlad at pagasenso ay ating makakamit sa isang malinis at marangal na paraan. Hindi rin naman masama ang magtaglay ng ilang mga materyal na bagay, tulad sa panahon natin ngayon, ang mga gadgets tulad ng mga cellphone, tablet at laptop. Ang nakasasama marahil ay ang sobrang luho. Kadalasan nga, kahit medyo kinakapos na sa buhay ay inuuna pang bilhin at tugunan ang luho kaysa mga pangunahing pangangailangan. Sa sobrang pagmamalaki, ibinabandera pa natin ang ating mga alahas, mamahaling mga kagamitan at lahat na, pero ating alalahanin din na ito ang maaaring pagugatan ng tukso mula sa mga kawatan at masasamang loob at maaaring maging mitsa pa ng ating sariling buhay. Ang huling bahagi ng ikasiyam na prinsipyo ay may patungkol sa pananamit. Na harinawa ay maging simple lamang daw tayo sa ating pananamit at maayos sa pagkilos at paguugali. May kainitan ang panahon ngayon kung kaya’t ang isinusuot natin ay kung ano ang maginhawa sa ating pakiramdam. Sa mga kababaihan, nariyan ang pagsusuot ng mga shorts at mga sleeveless na blouse.

Tandaan po sana natin ang Law o Principle of Action and Reaction. Bagamat ito ay may patungkol sa siyensiya at maaaring teknikal ang ibig sabihin, sa ibang pananalita o lay-man’s terms, anumang gawain natin ay may kaukulang reaksyon o feedback. Lumabas ka ng inyong bahay na naka-shorts lamang, sando na medyo plunging na ang neckline at sa kasamaang palad ay medyo nagrereveal na ng konting cleavage, hindi ba’t malaki ang posibilidad na ang mga tambay sa inyong lugar ay titingin sa inyo ng tila may pagnanasa at minsan ay sisipol pa? Siyempre natural lang na magalit kayo dahil sa pakiramdam ninyo ay nabastos kayo, pero hindi ba’t natural lang din na naging ganoon ang reaksyon ng mga tambay o mga kalalakihan dahil sa nakita nila (oo ganyan na ang ating lipunan..)?

Subukan ninyong mag-eksperimento, magsuot kayo ng hindi maiksi, pantalon siguro, blouse na hindi masyado nageexpose ng skin, at sa malamang ay hindi na ganoon ang magiging reaksyon ng mga makakakita sa inyo. Kung ang iyong hangarin naman sa pagsusuot ng mga mapupusok na pananamit ay para mapansin ka, at ayan na nga sinisipulan ka na ng mga kalalakihan, congratulations! Ayan na ang inaasam mong pagpansin sa iyo ng mga tao sa paligid mo, yun nga lang, ang kanilang paraan ng pagbibigay sa iyo ng pansin ay maaaring hindi kaaya-aya sa iyo. Tandaan, kung nais mong igalang at irespeto ka ng mga taong nasa paligid mo, siguraduhin namang ikaw ay kagalanggalang sa ayos at sa kilos. Paalaala rin hinggil sa ibayong pag-iingat, hindi siguro sapat na sabihin na kaya ninyong ipagtanggol ang inyong mga sarili. May mga pagkakataon na mag-isa ka lamang laban sa maraming masasamang elemento sa ating kapaligiran.

Sinasabi din dito na huwag tayong mapagkunwari. Nakalulungkot kasing isipin na double-standards tayo bilang mga tao. Hindi ba’t sabi sa isang awitin: kung ano ang hindi mo gusto, huwag gawin sa iba? Nagagalit tayo kapag nilait o binully ang mga kakilala natin o mismo ang sarili natin. Pero, kapag gumanti tayo, sa parehas na pamamaraan lang din naman tayo gumaganti hindi ba? Minsan nga, mas masahol pa. Kung ganyan lang din naman po ang kalakaran natin, hindi ba’t pare-pareho tayong mga HIPOKRITO?

Ang ikasampu ay tumutukoy sa pagpapahalaga sa kultura at pamana ng ating mga ninuno. Tuwing ika-12 ng Hunyo ay ating ginugunita ang paglaya ng ating bansa mula sa matagal na panahong tayo ay sinakop ng mga kastila. Kaalinsabay sa pagdiriwang na ito ang paggunita natin sa iba’t-ibang mga bayaning nag-alay ng kanilang mga buhay upang makamtan natin ang kasarinlan. Dala na nga rin siguro ng paglipas ng panahon kaya nagkaroon ng mga pagbabago sa ating mga nakagawian at kultura. Pero sana naman, ang magagandang nakaugalian at mga pamana ng ating mga ninuno, panatilihin nating buhay upang maipamana pa sa mga susunod na salinlahi.

Ang Ikalabingisa ay tumutukoy sa kasipagan. Huwag sana tayo maging tulad ni Juan Tamad. Sa mga panahon kasi ngayon, masyado na tayong nagiging pala-asa sa teknolohiya. Oo, nariyan ang mga makabagong teknolohiya upang mas mapadali o mas mapabilis ang proseso ng paggawa ng isang bagay. Pero ang nagiging masamang dulot ng teknolohiya ay ang masyadong pagkaasa natin dito at nagiging tamad. Halimbawa, may pupuntahan tayo sa loob ng ating subdibisyon na tatlong kanto lang naman ang layo. Maaari tayong maglakad para makarating sa paroroonan.

O hindi naman kaya ay magbisikleta para mas mabilis. Ngunit ang masahol ay gumagamit pa ng sasakyan tulad ng motorsiklo o kaya kotse, sayang ang gasolina. Kadalasan kasi, nahihiya na tayong gumamit ng mga makaluma o mano-manong pamamaraan sa paggawa ng mga gawain. Ibinabalandra natin ang mga bagong makinarya upang magmayabang at magmalaki. Sa paglalaba, gumagamit na ng washing machine sa halip na magkusot. Gumagamit ng rice cooker sa halip na makalumang paraan ng pagsasaing gamit ang kaldero. Paano kung walang kuryente o kaya pumalya ang mga makinarya at kagamitang ito? Hindi na natin magagawa ang mga simpleng gawain na ito? Kaya mas makabubuti pa rin na may kaalaman at kasanayan tayo sa mga old-school na mga pamamaraan.

(huwag nating ikahiya ang manu-manong paggawa, basta tayo ay kumikita sa malinis na pamamaraan)

Tunay na ang paggawa ay nakatutulong sa ekonomiya ng ating bansa. Subalit sa kasamaang palad, ang ating mga may-kakayahan at may-kasanayan na mga manggagawa, mga skilled workers kung tawagin, isama pa ang mga nurse, mga engineers at iba pang mga magagaling na mga propesyonal ay mas pinipili na magtrabaho sa ibang bayan sa kadahilanang mas malaki ang sweldo doon. Mga banyagang bansa ang nakikinabang sa kagalingan, katalinuhan at kasanayan ng ating mga kababayan, o yung tinatawag na Brain-Drain.

(nakakalungkot lamang isipin na marami ang nagnanais na makapag-abroad - dahil mas malaki ang sahod doon. Mas mabili na yayaman at giginhawa ang buhay)

Ang panglabindalawa ay tungkol naman sa ating sariling kakayanan. Hindi ba’t mas masarap lasapin ang tagumpay kung ito ay nagmula sa ating sariling pagsisikap, pagbubuwis ng dugo at pawis? Ngunit sadya rin naman na may mga ilan sa atin na kahit hindi naman nag-Masteral eh mga MBA (May Backer Ako). Ginagamit ang mga koneksyon sa loob ng opisina o ahensya upang mas mapabilis ang isang proseso o paboran ang sarili. Minsan nga, gumagamit pa ng suhol, under the table, lagay at lahat na. Sa ganitong sistema at kalakaran, hindi ba’t isang uri na ito ng kurapsyon? Hindi ba’t isa na rin itong paraan ng panlalamang at pandaraya sa ating kapwa, yung iba nga eh matiyagang naghihintay sa mahahabang pila samantalang ang iba ay pa-VIP.

Kung sabagay, napipilitan din kasi ang iba na gumamit ng mga ganitong taktika dahil na rin sa mabagal na serbisyo ng ibang mga opisina. Kaya nga siguro, panawagan na rin sa mga ahensya ng pamahalaan na harinawa ay maibigay ang isang mabilis at epektibong serbisyo para sa tao. Hindi naman masama ang humingi ng tulong dahil nga sa no man is an island ika nga, darating at darating ang panahon na kakailanganin din natin ang tulong mula sa ating kapwa. Ang iba kasi, masyadong ma-pride. Sasabihin eh: naku huwag na at magiging utang na loob ko pa yan sa iyo. Kung ikaw ay natulungan ng iyong kapwa, maging mapagpakumbaba at magpasalamat, matutong tumanaw ng utang na loob. Ang iba kasi, natulungan na nga, di man lang marunong magpasalamat at “hu u?” pa ang taong tumulong. Iniiaasa na lamang natin sa ibang tao ang lahat ng gawa para sa kapakinabangan natin at makuha ang ating gusto, samantalang hindi naman natin ginagawa ang ating share upang makamit ito. Tandaan, mas matamis ang tagumpay kung ito ay iyong pinagsikapan, na hindi ka nanlalamang, nanggagamit, nanlilinlang, nanloloko o nanglalaglag ng iba.

Sa ikalabintatlong prinsipyo, tinutukoy ang pagbibigay ng kabuuang kagalingan sa isang ginagawa. To the best of your efforts ika nga. Gawin natin ang ating trabaho ng masaya at ng buong kalooban, hindi yung tipong napipilitan ka lang. Kapag napipilitan lamang kasi tayo na gawin ang isang trabaho o bagay, yung focus natin ay hindi buo, kaya ang nagiging resulta, hindi pulido ang finished product. Parang sa prutas na mangga, ang iba ay kinakalburo o hinihinog sa pilit, kaya ang kinalalabasan, maliit na, kulubot pa. O kaya naman sa sinaing, kapag sunog o tutong na, sayang. Sayang ang bigas, sayang ang gatong. Kung hilaw man eh maaaring dagdagan ng konting tubig at ininin pa ng konti para ayos ang sinaing. Huwag madaliin at bastahin na lamang ang ginagawa. Dapat laging pulido. Iwasan na rin natin na ipagpaliban ang pwede na nating gawin sa mga sandaling ito o yung Mañana (Mamaya Na) Habit.

Ang ikalabingapat ay may patungkol sa atin at sa pamayanan. Tayo bilang mga mamamayan ay may mga karapatan gayundin may mga pananagutan at responsibilidad sa para sa ikabubuti at ikauunlad ng ating bayan. Ang hirap kasi sa atin kung minsan, puro reklamo tayo pero hindi rin naman natin ginagawa ang ating mga tungkulin bilang mga mamamayan para sa ikauunlad ng ating pamayanan. Simpleng mga batas hindi natin sinusunod. Hindi tayo nakikiisa at sumusuporta sa mga programa ng ating pamahalaan. Kadalasan, playing safe tayo at sinasabi na laman sa ating mga sarili at sa iba na wala na lamang tayong pakialam. Hindi ba’t sa pagsasabi natin na: “wala akong pakialam..”, nagiging makasarili tayo? Ayaw nating makilahok at makisangkot dahil natatakot tayo na madamay? O hindi dahil kaya ayaw nating makisangkot dahil sa palagay natin ay wala naman tayong mapapala dito? Kung magkagayon, ano ang ipinagkaiba natin sa mga trapong walang iniisip kundi ang pansariling interes lamang? Sa panahon ngayon ng internet at social media, hindi po masama na ibahagi ang mga makabuluhang impormasyon sa pamamagitan ng pag-LIKE at pag-SHARE. Pero kung ang isang aktibidad, adhikain o pagkilos ay nangangailangan ng suporta sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok, pagdalo, at partisipasyon, ay huwag naman po sana tayong magtago na lamang sa likod ng mga computer monitor at keyboard (Mga Keyboard Warriors ika nga). Sa akin nga pong pananalita, Be more of a Citizen than a Netizen. Tayo po ay nasa Bansang Pilipinas at wala sa Republika ng Facebook o Twitter-verse. Iba pa rin po ang epekto ng simpleng pagdalo at pakikisangkot sa mga adhikain at programa (power of presence).

(matuto sana tayong makisangkot, makihalubilo at makilahok. Huwag maging WAPAKELS o nagtatago lamang sa likod ng keyboard)

Ang panlabinglima ay may patungkol sa pagtangkilik sa mga produkto na sariling atin. Sa mga panahon ngayon kung saan mainit ang talakayan tungkol sa territorial disputes sa West Philippine Sea, mangilan-ilan na rin ang panawagan sa social media tungkol sa pag-boycott sa mga produkto na gawa sa bansang nangbu-bully sa atin. Bagamat maganda ang adhikain, pero ang realidad na kung saan halos lahat ng mga produktong mabibili sa merkado, tingnan mo ang nakalagay: Made In China. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na kaya sa bansang Tsina ipinagagawa at pinapa-assemble ang karamihan sa mga produkto ay sa kadahilanang mura ang cost of labor. At siyempre bilang isang mamumuhunan at negosyante, mas pipiliin ang kung saan ay higit na makatitipid o mas maliit ang gastos. Nakalulungkot din isipin na nananalaytay pa rin sa ating mga Pilipino ang colonial mentality. Aminin natin na mas tinatangkilik natin ang mga produkto ng ibang bansa kaysa mga produktong gawang sariling atin. Sa larangan ng entertainment, hindi ba’t panay ang import natin ng mga Korean Novela, Tsinovela at lahat na ng Asian Novelas upang ipalabas sa telebisyon? Dinu-dub na lamang sa wikang Filipino upang maintindihan ng ating mga manonood. Ang atin kayang mga sariling Telenovela at palabas, nae-export naman kaya sa ibang bansa upang panoorin at subaybayan din ng mga banyaga? Sa larangan ng musika, sas mga Music Video Channels na kung saan ang mga host ay mga Pinoy din naman, nakalulungkot isipin na ang mga namamayagpag sa mga Top 10 o Top 20 at lahat na ng mga countdown, ay yung mga awitin ng mga banyagang music artists, mapa-Western man o K-Pop. Nakita ko pa nga ang isang imbitasyon kung saan hinihimok ang ilan sa ating mga kababayan na mag-audition upang magwagi ng isang training at kontrata upang maging susunod na K-POP sensation. Nahuhumaling tayo sa mga musikang hindi din naman natin maintindihan ang mga lyrics, siguro nga napapasabay lang tayo sa beat nito at gusto natin ang ating nakikita. Naisip ko lang, may awitin pa ba tayo sa panahon ngayon na maihahalintulad sa awiting ANAK? Maaaring hindi na ito alam ng kasalukuyang henerasyon, subalit sang-ayon sa pagsasaliksik, ang awiting ito, na masasabing sariling atin dahil na rin sa isang kababayan natin ang lumikha, sa kagandahan ng mensahe na nais nitong iparating ay isinalin sa iba’t-ibang lenggwahe upang magawan ng sariling bersyon ng mga banyaga. Sa isang Noon-Time Variety Show, hindi ba’t araw-araw ay may segment sila kung saan ang mga host ay natuturo at nagpapalitan ng mga terminolohiya sa kanya-kanyang sariling wika. Ang nabigyan ko po ng pansin ay ang exposure hinggil sa national costume o outfit, sa kadahilanan na ang mga host at ilang mga dancers ay nakasuot ng damit ng banyagang bansa. Halos araw-araw sa isang linggo, nasisilayan at naeexpose ang national costume ngbansang ito sa tuwing isasagawa ang segment na tinutukoy.

Sa mga kahalintulad na palabas, tuwing kelan kaya mabibigyan ng karampatang exposure ang ating sariling pananamit tulad ng Barong Tagalog? Tuwing may mga holiday lamang ba na may kaugnayan sa ating pagka-Pilipino at pagkamamamayan? Tuwing Linggo ng Wika lamang ba? Pag dating sa iba’t-ibang mga produkto, tulad ng mga damit, sapatos, electronic gadgets at iba pa, hindi ba’t mas nais natin ang mga mamahaling brand at imported kaysa mga locally-made na mga produkto, siguro nga dahil mas matibay, o hindi kaya dahil mas big time ang dating? Samantalang kapag local product daw eh CHEAP!

Ang panglabing-anim at kahulihang prinsipyo ay tumutukoy naman sa paggamit ng ating mga likas na yaman. Tunay na biniyayaan ng natural resources ang ating bansa. Sa kasamaang palad, ito ay inaabuso natin o hindi naman kaya ay hindi natin nagagamit ng wasto hanggang sa ang mga banyaga pa ang nakikinabang sa mga ito. Hindi nga ba’t kaya patuloy ang reclamation ng isang malaking bansa sa ating kontinente dahil na rin sa mga likas na yaman sa mga lugar na sadyang sakop naman ng ating bansa. Ang mga buhangin sa mga dalampasigan natin, na mayaman sa silicon na siyang pangunahing sangkap upang makalikha ng mga semiconductor na siyang nagbibigay daan sa mga electronic gadgets na ating ginagamit. Nakakalungkot lamang isipin na ang mga dayuhang mamumuhunan ang mga nakikinabang sa mga likas na yaman ng ating bansa na kung iisipin ay libre namang biyaya at binibigay sa atin ng kalikasan. Bagamat pinipilit ng ating bansa na makipagsabayan sa mga progresibong mga bansa, nakakatako lamang isipin na sa panahong dumating na kaya na ng ating bansa na tumayo sa sariling mga paa ay ubos na ang mga likas na yaman ng ating bansa, dahil na rin siguro sa kapabayaan natin. Sa panghuling pangungusap ng ika-16 na prinsipyo ng kodigo, sinasabing: “huwag mong gawing kalakal ang iyong pagkamamamayan”. Maaaring iba ang interpretasyon ng inyong lingkod kumpara sa iba, pero para po sa akin ang ibig sabihin nito ay huwag mong talikuran ang iyong pagka-Pilipino. Minsan nakita ko sa isang  advertisement sa telebisyon na “Be The Next Migrant Worker“, kung saan hinihikayat ng patalastas ang ating mga kababayan na mangibang bansa upang magtrabaho.

Normal nang scenario na ang ating mga kababayan ay nag-iibang bansa upang doon magtrabaho, sa kadahilanang mas malaki ang sweldo sa ibang bansa at mas mabilis nilang makakamtan ang tinatamasang kaginhawaan sa buhay. Sa paglipas ng panahon at dahil na rin sa tagal ng kanilang pamamalagi sa bansang pinagtatrabahuhan, nag-a-apply na ng residency o green-card o anuman.

Ang resulta, dual-citizenship. Sinasabi na maganda ang mga benepisyo kapag naging ganap nang mamayan ng banyagang bansa. Ito po marahil, sa aking palagay, ang tinutukoy na huwag gawing kalakal ang pagkamamamayan. Na bukod sa pagiging Pilipino, huwag na nating haluan ng ibang pang citizenship. Nangingibang bansa ang ating mga kababayan na animo’y nawawalan na ng pag-asa at tiwala sa pag-unlad ng ating inang bayan. Kung mismong tayong mga Pilipino, nawawalan ng tiwala at pag-asa sa ating inang bayan, hindi nga nakapagtataka ang dinaranas nating pagbagsak at pagkalugmok.

Tulad po ng nabanggit kanina, sa Kolehiyo ko lamang nalaman na mayroon po palang ganitong kodigo. Sa pakikipagusap din sa ilang mga kaibigan at mga kakilala, minsan na rin nilang nabanggit na hindi sila pamilyar sa kodigong ito. Ngayon, alam na po natin na may ganitong kodigo tungkol sa ating pagkamamamayan, bagamat malaki ang pagitan ng 1939 sa kasalukuyang taon, sana ay isabuhay natin ang mga prinsipyong itinuturo nito.

Mahalin natin ang ating sariling bansa dahil tayo rin namang mga mamamayan ang unang magmamahal sa kanya. Ikarangal natin ang ating bansa at ang ating pagkamamamayan sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng mabubuting bagay tungkol sa ating bansa at kultura.

MABUHAY ANG PILIPINAS AT ANG MGA PILIPINO!

No comments:

Post a Comment